Sign the Manifesto
Sign the Manifesto >

Panawagan para sa Isang Canada na Mapag-alaga sa Mundo at sa Isa’t-isa

Simulan natin sa batayan na ang Canada ay nahaharap ngayon sa isang pinakamalalim na krisis sa huling gunita.

Ang Lupon ng Katotohanan at Pagkakasundo (The Truth and Reconciliation Commission) ay kumikilala sa isang nakagugulat na detalye tungkol sa mga karahasan na idinulot ng Canada sa ilang nakalipas na taon. Ang lumalalim na kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay ay pilat sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. At ang kontribusyon ng Canada sa pagbabago ng klima ay isang krimen laban sa hinaharap ng sangkatauhan.

Ang mga katotohanan ay mas nakababahala dahil malayo ang mga ito sa nakasaad sa prinsipyo ng Canada : pagrespeto sa karapatan ng mga Katutubo, internasyonalismo, karapatang pantao, pagkakaiba-iba, at pangangasiwa sa kalikasan.

Hindi ganito ang istado ng Canada sa ngayon – ngunit maaari itong mangyari.

Maaari tayong makapamuhay sa isang bansa na pinapatakbo lamang ng lubos ng nanunumbalik na enerhiya, na pinag-uugnay ng pampublikong transportasyon para sa lahat, kung saan ang trabaho at oportunidad ng ganitong pagbabago ay idinisenyo upang mapawi ang hindi pagkakapantay-pantay sa lahi at kasarian. Ang pag-aalaga sa bawat isa at sa planeta ang syang mangungunang sektor sa lumalagong ekonomiya ng bansa. Marami sa mga tao ang magkakaroon ng mas mataas na sweldo sa mas kaunting oras ng pagtatrabaho, upang mas mabigyan ng sapat na oras ang ating mga mahal sa buhay at mas mapaunlad ang komunidad.

Alam natin na ang oras para sa ganitong pagbabago ay maikli. Sinasabi ng mga siyentipiko sa klima na ito ang dekada upang tayo ay gumawa ng mabilisang desisyong makakapagbago upang maiwasan ang higanteng sakuna ng pag-init ng daigdig. Ito ay nangangahulugan na ang mga maliliit na hakbangin ay hindi na makakatulong upang marating natin ang ating mithi.

Kung kaya’t kailangan natin isagawa ang mga higanteng hakbangin sa pagbabago.

Ang mga higanteng hakbangin sa pagbabago ay kailangan magsimula sa pagrespeto sa mga namanang karapatan at orihinal na tagapangalaga ng ating lupa. Ang komunidad ng mga katutubo ang syang palaging nangunguna sa pag-aalaga ng ilog, baybayin, gubat at lupang malaya sa pang-industriya na gawain. Maaari nating patatagin ang ganitong tungkulin, at simulan muli ang relasyon, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga nakasaad sa Deklarasyon ng Kapulungan ng mga Nagkakaisang Bansa ukol sa Karapatan ng mga Katutubo.

 Batay sa mga kasunduan na syang legal na basehan ng ating bansa at nagbibigkis sa atin na ibahagi ang lupa “hangga’t sumisikat ang araw, lumalago ang damo at dumadaloy ang tubig sa ilog,” nais natin na ang pinagkukunan ng enerhiya ay walang katapusan at hindi nauubos o hindi nakalalason sa lupa. Naging abot-kamay ang ganitong pangarap dahil sa mga makabagong teknolohiya. Kung kaya’t hinihiling natin na baguhin ng Canada ang ekonomiya sa 100 porsyentong nababagong enerhiya sa loob ng dalawang dekada[1]; na sa taong 2050, maaari na tayong magkaroon ng 100 porsyentong malinis na ekonomiya[2]. Ating isinusulong na ang pagbabago ay mangyari agad ngayon na.

Wala ng dahilan para magtayo pa ng mga bagong proyektong imprastraktura na maghuhukay sa susunod na mga dekada. Ang bagong batas na bakal sa pagpapaunlad ng enerhiya ay : kung ayaw mo ito sa iyong bakuran, hindi rin ito nababagay sa bakuran ng sinuman. Ito ay sumasaklaw rin sa tubo ng gas at langis; fracking (o ang proseso ng pagbarena sa lupa gamit ang mataas na presyon ng tubig sa mga bato upang makakuha ng gas sa ilalim) sa New Brunswick, Quebec at British Columbia; pagdami ng pagdaon ng mga barkong-tangke sa mga baybayin; at sa paglaganap ng mga proyekto ng Canada sa pagmimina sa buong mundo.

Dumating na ang panahon sa pagsasademokrasya ng enerhiya: naniniwala tayo hindi lamang sa pagbabago sa pinagkukunan ng enerhiya, ngunit hangga’t maaari ang mga komunidad ay dapat sama-samang mamahala sa pagpapatakbo ng ganitong sistema ng bagong enerhiya. Bilang alternatibo sa mapagkamkam sa kita na mga pribadong kumpanya at sa bahagyang burukrasya ng sentralisadong estado, kakayanin natin lumikha ng sariling pagmamay-aring istruktura: demokratikong pinapatakbo, nagbabayad ng sweldong nakakabuhay ng marangal at makakalap ng hustong kita para sa komunidad. Ang mga katutubo ang syang dapat maunang makakuha ng suportang pampubliko para sa kanilang sariling proyekto para sa malinis na enerhiya. At gayun din ang mga komunidad na kasalukuyang dumaranas ng masamang epekto sa kalusugan mula sa polusyon mula sa mga industriyal na gawain.

Ang ganitong paraan ng paggawa ng enerhiya ay hindi lamang makakapagbigay liwanag sa ating mga tahanan kundi makapagbabahagi rin ng yaman, magpapalalim ng demokrasya, magpapatibay ng ekonomiya at magpapagaling sa mga sugat na nagsimula pa noong unang panahon ng pagkakatatag ng bansa.

Ang mga higanteng hakbangin sa pagbabago para sa isang ekonomiya na ligtas sa polusyon ay magbubukas sa mas maraming pagkapanalo. Gusto natin ng pandaigdigang programa na magtatayo ng matipid sa kuryenteng tahanan, at magkukumpuni sa mga naitayo ng mga bahay, sisiguraduhin na mauunang makakuha ng benepisyo ang mga mahihirap na komunidad at makatanggap ng pagsasanay sa trabaho at mga oportunidad na makakabawas sa kahirapan sa pangmatagalan. Gusto natin ng mga pagsasanay at iba pang pamamaraan upang mahasa ang mga manggagawa sa mga industriyang higit na gumagamit ng karbon, upang matiyak ang kanilang ganap na paglahok sa ekonomiya na may malinis na enerhiya. Ang mga may pagawa ay dapat sumunod sa batas upang mabawasan ang mga pagbuga ng gas sa hangin sa lugar ng trabaho, sa patnubay ng mga unyon ng paggawa. Ang mabilis na tren na pinatatakbo lamang ng enerhiyang nababago at abot-kayang pampublikong transportasyon ang syang magbubuklod sa bansa – kapalit ng mga kotse, tubo ng gas at petrolyo, at mga sumasabog na tren na nagbibigay panganib at naghihiwalay sa atin.

At dahil sa alam natin na ang mga higanteng hakbangin sa pagbabago ay huli ng magsisimula, kailangan natin mamuhunan sa ating nabubulok na pampublikong imprastraktura upang ito ay mas lalong tumagal sa mas nagiging madalas at mas lumalala na mga sakuna sa kalikasan.

Ang pagtataguyod ng mas lokal at batay sa ekolohiyang sistema ng agrikultura ay makakabawas sa pagdepende natin sa petrolyong parikit (fossil fuel), paghuli ng karbon sa lupa, at saluhin o pigilan ang epekto ng mga biglaang kaganapan sa pandaigdigang merkado – at ganun din ang pag-aani ng mas masustansya at murang pagkain para sa bawat mamamayan ng Canada.

Tayo ay nananawagan na tapusin na ang mga kasunduan sa kalakalang pribado na syang nagbibigay sa mga korporasyon ng kapangyarihan na makialam sa ating pagnanasa na makabuo ng lokal na ekonomiya, magsaayos ng mga korporasyon at itigil ang mga mapanirang proyekto sa kalikasan. Sa pamamagitan ng muling pagbalanse sa hustisya, masisiguro natin ang istado sa imigrasyon at buong proteksyon para sa lahat ng manggagawa. Sa pagkilala natin sa kontribusyon ng Canada sa tunggaliang militar at pagbabago ng klima – mga pangunahing dahilan na nag-uudyok ng pandaigdigang krisis sa mga refugee- kailangan natin tanggapin ang marami pang mga refugee at mga migrante na naghahangad ng kaligtasan at ng isang mas maayos na buhay.

 Ang paglipat sa isang ekonomiya na balanse sa mga limitasyon ng lupa ay nangangahulugan ng pagpapalawak sa mga sektor ng ekonomiya na gumagamit ng mababang karbon: pangangalaga, pagtuturo, serbisyong pangkomunidad, sining at pampublikong interes ng media. Sa pagsunod bilang halimbawa ang Quebec, ang programa hinggil sa pangangalaga ng mga bata ay matagal na rin nakaligtaan. Ang mga gawaing ito, na kalimitan ay ginagampanan ng mga kababaihan, ang syang magdidikit sa pagbuo ng makatao at matatag na komunidad – at kakailanganin natin na ang mga komunidad ay maging pinakamalakas hanggang sa maaari sa pagharap sa mga inaasahang hamon sa darating na panahon.

Dahil kalimitan na ang trabaho sa pangangalaga – maging sa tao o sa planeta – ay libre o hindi binabayaran, tayo ay nananawagan para sa isang matinding talakayan tungkol sa pandaigdigang batayan sa taunang sweldo. Nagsimula ang ganito sa Manitoba noong dekada ng 1970, ang pagkakaroon ng isang matibay na proteksyon ay makakasiguro na hindi kailangan ng mga magulang na kumuha ng trabaho kung saan manganganib ang kinabukasan ng kanilang mga anak para lamang sila ay mapakain sa kasalukuyan.

Aming ipinapahayag na ang “pagtitipid” sa ekonomiya – na sistematikong umatake sa mga sektor na gumagamit lamang ng mababang karbon tulad ng edukasyon at kalusugan, samantalang tinitipid ang pampublikong transportasyon at nagtutulak sa walang pasintabing pagsasapribado ng enerhiya – ay isang makalumang pag-iisip na syang nagbibigay panganib sa mundo. Mayroon perang nakalaan para sa isang malakihang pagbabago – kailangan lang natin ng wastong patakaran para magamit ito sa pagbabago. Isang halimbawa ay ang paghinto sa pagbibigay ng tulong na salapi para sa petrolyong parikit (fossil fuel). Pagbubuwis sa mga transaksyon na nauukol sa pananalapi. Pagtataas sa pinagkukunan ng mga kaukulang upa o royalties. Mas mataas na pagsingil ng buwis sa korporasyon at mayayaman na tao. Isang progresibong sistema ng pagbubuwis sa karbon. Pagbabawas ng badyet para sa mga gastusing militar. Ang lahat ng ito ay batay sa simpleng prinsipyo na tinatawag na “polluter pays” (ang ibig sabihin ay singilin ng mas mataas na buwis o panagutin ang mga korporasyon na nakakasira sa kalikasan), ay napakalaking pangako.

Isang bagay ang malinaw: ang kakulangan sa pampublikong badyet sa panahon ng di maawat na pagtaas ng mga pribadong yaman ay isang nilikhang krisis lamang upang kitilin ang ating mga pangarap bago pa man natin ito pangarapin.

Ang mga pangarap na ito ay higit pa sa dokumentong ito. Nananawagan tayo sa pagdadaos ng mga pagpupulong sa munisipyo o komunidad sa buong bansa kung saan ang mga mamamayan ay maaaring magtipon upang malayang ipahayag nila kung ano ang kahulugan ng isang malaking hakbangin na kailangan sa pagbabago ng ekonomiya.

Tiyak, ang pagbabago na magsisimula sa nakakababa ay hahantong sa pagkakaroon ng bagong demokrasya sa bawat antas ng gobyerno, mabilis na pagbabago sa sistema kung saan ang bawat boto ay nabibilang at ang pera ng korporasyon ay matatanggal sa mga pulitikal na kampanya.

Isa itong kagyat at di dapat palampasin na kasunduan pero sadyang ganyan ang kaayusan sa kasalukuyang panahon.

Ang pagbagsak ng presyo ng langis ay pansamantalang pinahupa ang panggigipit sa paghukay ng petrolyong parikit (fossil fuels) mula sa maaaring maidulot na panganib ng makabagong teknolohiya. Ang ganitong paghinto mula sa masilakbong paglawak ay hindi dapat isaalang-alang na krisis. Ito ay nagbigay sa mga Canadians ng isang pambihirang pagkakataon upang matanto kung anong naging tayo ngayon – at makapagdesisyon para sa pagbabago.

Kung kaya’t tayo ay nananawagan sa mga pulitiko na nais manungkulan na sunggaban ang ganitong oportunidad at yakapin ang madaliang pangangailangan sa pagbabagong-anyo. Ito ang ating sagradong tungkulin sa mga taong nagpasakit dahil sa kagagawan ng ating bansa sa nakalipas na panahon, sa mga taong nagdurusa sa kasalukuyan, at para sa lahat na may karapatan sa isang maliwanag at ligtas na hinaharap.

Ito na ang panahon ng katapangan.

Ito na ang panahon para sa isang higanteng hakbangin sa pagbabago.

Ang pagsusulat ng Pahayag ng Leap ay sinimulan noong tagsibol ng 2015 sa isang pagpupulong sa Toronto na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga taga-Canada mula sa grupo ng Karapatang Pangkatutubo, hustisyang sosyal at pagkain, pangkapaligiran, pangrelihiyon at sektor ng manggagawa.

*Isinalin sa tagalog ni Joyce Valbuena